Powered By Blogger

Saturday, July 23, 2011

Featured Personality Sketch

Paano Alisin Ng Ihaw Ang U’haw?


“Pwedeng lagain saka ihawin, o kaya tuhugin saka diretsong ihaw pagkatapos linisin ng ilang beses” aniya. Ganyan kadali lutuin ang laman loob na ilan lamang sa itinitinda sa kalsada, na kung tawagin ay “street foods”. Kahit saan ka magpunta, talaga namang patok ito sa panlasa ng mga Pilipinong hindi naman masasabing lahat ay kahirapan. Kung minsan pa nga ay ginagawang ulam. Paano ba naman, hindi lang naman kasi sila masarap, mura pa. “Dirty foods” ika nga sabi ng iba… sa kabila niyon, wala sa bakas ng mukha ni Danilo ang pagkabahala. “Dahil dito, natutustusan ko ang pag-aaral ng mga anak ko at mga gastusin sa bahay” sabi ni Danilo, habang patuloy sa pagpayapay ng nilulutong isaw at dugo.

Bata pa lang si Danilo Dalgo, 30 years old, may asawa at apat na anak ay namulat na sa katotohanan ng buhay. Pangarap sana niyang maging isang piloto pero as soon as, narealize niya na hindi na siya kayang papagaralin ng kanyang mga magulang, doon na nagsimula ang obsessiveness niya kung paano kumita ng pera. Bago pa man niya pasukin ang pagtitinda ng street foods ay samu’t saring raket na ang kanyang nagawa. Naglako ng sigarilyo sa daan, nagjanitor, tagahalo ng semento, sumali sa mga contest ng paggawa ng saranggola na kung minsan ay ginagawang bandera para sa mga tumatakbo sa eleksyon at marami pang iba, ngunit hindi ipinagpalit ang pagtitinda ng mga iniihaw na laman loob ng manok at baboy, dahil dito mas malaki ang kita. Humigit kumulang isang libo kada araw, ngunit kung sinuswerte, aabot ng triple.

Sa kabila ng mga peklat at paso sa kamay, hindi iniinda ni Danilo ang hirap sa pagod at puyat na araw-araw niyang niraranasan. Alas-dos pa lang ng umaga kung mamalengke na ng mga ititinda. Pagkatapos ay sisimulan ang paglilinis ng mga ito ng paulit-ulit, at pagkatapos nga ay isa-isa na niyang tutuhugin sa tulong narin ng kanyang mga kasamahan sa pagtitinda. Kadalasan inaabot ng hatinggabi sa pagtitinda, sapagkat marami pa rin naman ang bumibiling mga tambay at mag-iinum. Hindi alintana, ang panganib, ay madaling araw na siyang umuwi kadalasan, sa paghahangad na kumita ng malaki, hindi inaasahan sa daan ay mahold-upan pa ng mga kalalakihan na pagkatapos kumain ng paninda niya ay biglang nanutok ng balisong. “Akala ko nga nung una ay magbabayad na, laking tuwa ko dahil sa rami ba naman ng kinain” aniya, nang nakangisi na mahahalatang bakas pa rin sa mukha ang panghihinayang.



Hindi pa rin masasabi na masaya at kuntento na siya sa pagkakaroon ng pamilya, sapagkat, magpasahanggang ngayon ay umaasa parin siyang patawarin at tanggapin ng pamilya ng kanyang asawang si Grace. “Sinira ko daw ang mga pangarap nila para sa kanilang anak ng nabuntis ko siya nung siya’y nasa 4th year collage pa lang.” Sa kabila ng hirap ng kanilang buhay, hindi pa rin niya ipinagpalit ang pagiging padre de pamilya, ipinagpalampas niya ang oportunidad ng kanyang asawang si Grace na MassCom undergraduate, na makapagtrabaho sa ibang bansa bilang isang interpreter. Siguro nga ay dahil na rin sa kanyang “ego”, at kaya ayaw niyang matapakan ang kanyang pagkalalaki kaya mas pinili niyang sa bahay na lang ito at mag-alaga na lang ng kanilang mga anak at hintayin na lamang na maigapang niya ito sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagtitinda.

Hindi maikakaila na marami pa rin ang nangungutya at bumabatikos sa ganitong klase ng pagkain, kahit na maraming pilipinong tumatangkilik. Pero kung iisipin, walang masama sa hanapbuhay na marangal. Sabi nga niya “anong magagawa?, ito lang ang kaya ng katulad namin… kung ayaw mo, hinde kita pipilitin” kung kapalit naman ay matugunan ang mga pangangailangan nila. Sa kabila ng lahat, si isaw, si Danilo at ang klase ng kanyang trabaho ay salamin lamang ng kultura natin at kung paano mamuhay tayong mga Pilipno, …madiskarte, matiyaga at punong-puno ng pag-asa.

2 comments:

  1. i really love street foods though it's not healthy and others are saying that it's dirty, drop that thought..it's so delicious so I can't help eating those ihaw-ihaw..

    ReplyDelete
  2. Wooh! Kuya Dandan looks a bit boastful, nevertheless, it's amazing how he flaunts his life without shame. Tara magbarbeque! nakakagutom.

    ReplyDelete